Minamadali na ngayon ni outgoing General Santos City Lone District Representative Loreto “Ton” Acharon ang pagsusulong ng kanyang panukalang batas na layong hatiin sa dalawang lehislatibong distrito ang lungsod, bago tuluyang matapos ang 19th Congress sa darating na Hunyo 13.

Sa ilalim ng House Bill No. 11441 na inihain ni Acharon, layunin nitong hatiin ang General Santos City sa dalawang hiwalay na distrito bilang tugon sa patuloy na paglobo ng populasyon ng lungsod, na umabot na sa tinatayang 700,000 batay sa datos ng 2020.

Ayon sa panukala, ang paghahati sa lungsod ay makatutulong upang mas maayos na maipamahagi ang mga serbisyong pampubliko at pondong pangkaunlaran, alinsunod sa mga layunin ng Philippine Development Plan 2023–2028.

Batay sa naturang panukala, 18 barangay ang bubuo sa unang distrito, habang 8 barangay naman ang sasailalim sa ikalawang distrito.

Pebrero 3, 2025 nang unang ihain ang House Bill 11441, at nito lamang Hunyo 3 ito nairefer sa House Committee on Local Government. Gayunpaman, dahil sa nalalapit na pagtatapos ng 19th Congress, kinakailangan itong maresolba sa loob ng nalalabing araw bago ang adjournment.

Sakaling hindi ito maisabatas sa kasalukuyang kongreso, maaari naman itong muling ihain sa pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo 28.

Matatandaang natalo si Acharon sa katatapos lamang na halalan nitong Mayo, sa kamay ni incoming Congresswoman-elect at dating City Vice Mayor Shirlyn Bañas-Nograles.