Inaprubahan sa ikalawang pagbasa ng Bangsamoro Parliament nitong Lunes, Enero 26, ang panukalang magtatatag ng Bangsamoro Transitional Justice and Reconciliation (TJR) Program, na layong tugunan ang mga matagal nang hinaing, kawalang-katarungan sa kasaysayan, at mga paglabag sa karapatang pantao sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, pinagtibay ang Parliament Bill No. 353 na inakda ng Government of the Day, na nagmumungkahi ng pagbuo ng Bangsamoro Transitional Justice and Reconciliation Commission na mangangasiwa sa pagpapatupad ng nasabing programa.
Ayon sa mga mambabatas, layunin ng TJR Program na magbigay ng mekanismo para sa pagkilala sa mga naging biktima ng karahasan, diskriminasyon, at marginalisasyon, at magsilbing hakbang tungo sa pagkakasundo at pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro.
Bukod dito, umusad din sa ikalawang pagbasa ang ilang mahahalagang panukala, kabilang ang pagtatatag ng Licensure Examination Assistance Program para sa mga Bangsamoro examinees, ang institutionalization ng graduate scholarship program para sa mga guro sa ilalim ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education, at ang pagbuo ng komprehensibong balangkas para sa pabahay at human settlements sa rehiyon.
Nagbigay ng sponsorship speeches sina Deputy Speakers Baintan Ampatuan at Adzfar Usman, kasama si Member of Parliament Romeo Sema, upang ipaliwanag ang kahalagahan ng mga panukalang batas. Ang mga ito ay isinangguni sa mga kaukulang komite para sa mas masusing pagtalakay.
Samantala, pitong panukala naman ang inihain sa unang pagbasa, kabilang ang mga mungkahing palawakin ang saklaw ng Special Geographic Area Development Authority, magtatag ng orphanage village at learning center sa SGA, suportahan ang community-based agricultural enterprises, ayusin ang pag-uuri ng mga lokal na sigalot, magpatupad ng flexible working hours tuwing Ramadan, magtakda ng buwanang values formation sessions, at bumuo ng integrated public order at security data management body sa Bangsamoro.

















