Pinaiimbestigahan na ng isang kapitan sa lungsod ng Koronadal kung sino o anong grupo ang nasa likod ng pagpapakalat sa publiko ng isang papel na nagsasaad na patayin ang mga mangkukulam maging ang mga chismosa o mga tinaguriang “Marites”.
Ayon kay San Jose Barangay Captain Danilo Simtim, nagdulot ito ng pangamba at takot sa kaniyang mga mamamayan.
Ito ay matapos na magtrending sa social media ang papel na natuklasan ng isang indibidual na isinabit sa tarangkahan ng kanilang bahay.
Nakasaad na may pabuyang 200,000 ang mga makakapatay sa mga mangkukulam at 150,000 naman para sa mga Marites.
Sinabi ni Sintim na ito ay nagsimulang kumalat sa boundary ng San Jose at sa Lutayan sa Sultan Kudarat.
Ayon pa sa kapitan, nakapagtataka rin na kailangan pa aniya na gumastos ang mga nasa likod nito ng pagimprenta at pagpapakalat ng nasabing papel maging sa reward upang lipulin ang mga chismosa at mga mangkukulam sa lugar.