Nanawagan sa publiko ang Simbahang Katolika sa rehiyon na gamitin ang paggunita sa Halloween bilang panahon ng pagninilay at panalangin, at hindi bilang pagkakataon para sa pagpapakita ng katatakutan o pagsusuot ng mga nakakatakot na kasuotan.
Sa panayam ng Star FM Cotabato, sinabi ni Rev. Fr. John Angelo Gamino, DCC, rektor ng Notre Dame Archdiocesan Seminary, na ang tinatawag na All Hallows’ Eve o Halloween ay orihinal na araw ng paghahanda bago ang Todos los Santos tuwing Nobyembre 1.
Paliwanag ni Fr. Gamino, layunin ng All Hallows’ Eve na gunitain at parangalan ang mga santo at banal na naging inspirasyon ng pananampalataya—ngunit sa paglipas ng panahon, tila nabaluktot na umano ang kahulugan nito dahil nagiging okasyon na ng kasuotan, katatakutan, at trick or treat sa halip na pagdarasal.
Giit ng pari, patuloy na isinusulong ng Simbahang Katolika ang pagtutuwid sa maling pagkakaunawa ng marami sa selebrasyon, na aniya ay malayo sa tunay na diwa ng pananampalataya.
Sa huli, panawagan ni Fr. Gamino sa mga mananampalataya—gamitin ang All Hallows’ Eve at Undas bilang panahon ng taimtim na panalangin, paggunita sa mga santo, at pag-alala sa mga mahal sa buhay na pumanaw.

















