Nanawagan ang nakakulong na televangelist at senatorial candidate na si Pastor Apollo Quiboloy ng manual recount ng senatorial votes sa gitna ng mga ulat ng iregularidad sa halalan.
Ang pahayag ay inilabas kagabi ng kanyang kampo sa pamamagitan ng kanyang opisyal na tagapagsalita na si Atty. Israelito Torreon.
Nagpasalamat din ang kampo ni Quiboloy sa mga Pilipinong bumoto para sa kanya.
Si Quiboloy ay bahagi ng “DuterTEN” o ang 10 senatorial candidates na sinuportahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa mga datos, nasa ika-31 puwesto si Quiboloy sa hanay ng mga senatorial candidates matapos makakuha ng halos 5.6 milyong boto.
Ngunit ayon kay Torreon, hindi natatapos sa eleksyon ang laban dahil marami pa umanong isyu sa halalan tulad ng mga kaso ng overvoting, mga hindi tugmang pagbasa ng balota, at iba pang iregularidad, kaya nananawagan si Pastor Quiboloy ng manual recount ng mga boto sa senatorial race.
Nauna nang hinikayat ni Torreon ang Comelec na magpatupad ng manual vote counting sa antas ng presinto para sa darating na halalan sa Mayo 2025.
Ngunit ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi ito maaaring gawin ng komisyon dahil alinsunod ito sa Republic Act No. 9369 o ang Automated Election Law na nagsasabing dapat ay automated ang pagboto at pagbibilang sa presinto, municipal, provincial, at national levels.