Inilabas ni Minister of Interior and Local Government Atty. Sha Dumama-Alba ang bilang ng mga nasawi, nasugatan, mga lugar na lubos na naapektohan ng pagbaha sa Bangsamoro Region bunsod ng habagat.
Sa naging ekslusibong panayam ng Star FM Cotabato kay Atty. Alba, walang dapat ipag-alala ang mga residente dahil magkakasamang rumeresponde sa pangangailangan ang Bangsamoro READi, MSSD, MPW, Office of the Chief Minister at iba pang mga ahensya na may kinalaman sa kagyat na pagtulong.
Ayon kay Atty. Alba at sa naging pagpupulong nito sa Bangsamoro Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRMMC), 11 na munisipalidad, 1 siyudad, at 128 na mga barangay ang apektado sa naturang pagbaha habang 5 ang patay, 4 ang nawawala at 23 ang nasaktan.
Kabilang din sa mga nasalanta ang mga bagong tatag na munisipalidad sa tinaguriang SGA’s ng rehiyon o ang Special Geographic Area -BARMM.
Sa huli, pinaalalahanan ni Atty. Alba ang publiko na maging mapagmatyag sa paligid at ireport sa mga ahensya na kagaya ng BANGSAMORO READi ang mga nagaganap sa kanilang paligid upang kagyat o mabilis na marespondehan o matulungan.