Nagpahayag ng pagdadalamhati ang Davao del Sur Police Provincial Office sa biglaang pagpanaw ni Patrolwoman Kay Remando Dumasig, 28 taong gulang, isang masigasig at maaasahang miyembro ng Matanao Municipal Police Station.

Nasawi si Pat. Dumasig matapos aksidenteng mabaril ang sarili sa loob ng Female Quarters ng kanilang istasyon sa Purok Tahimik, Barangay Poblacion, Matanao, Davao del Sur, bandang alas-6:50 ng gabi noong Hulyo 11, 2025.

Batay sa paunang imbestigasyon, inihahanda umano ng biktima ang kanyang service firearm na isang 9mm Girsan pistol, bilang bahagi ng paghahanda para sa posibleng buy-bust operation. Habang nilalagyan niya ng bala ang baril, aksidente raw itong nahulog. Nang tangkain niya itong saluhin, hindi sinasadyang nakalabit ang gatilyo, dahilan upang mabaril siya sa ulo.

Agad siyang naisugod sa MCDC Hospital sa Digos City ngunit idineklara ring dead on arrival, sa kabila ng pagsusumikap ng mga doktor at medical team na siya ay mailigtas.

Sa isinagawang forensic examination ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), narekober ang baril sa tabi ni Pat. Dumasig at ngayon ay hawak na ng mga awtoridad bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon.

Nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay si Police Colonel Leo T. Ajero, Provincial Director ng DSPPO, sa pamilya ng nasawing pulis. Ayon sa kanya, si Patrolwoman Dumasig ay isang huwaran sa serbisyo at ang kanyang pagpanaw ay isang masakit na paalala ng mga panganib na kinakaharap ng mga alagad ng batas — kahit sa mga oras ng simpleng paghahanda.

Tiniyak ng pamunuan ng kapulisan ang patas at maayos na imbestigasyon, habang patuloy na inaalala si Pat. Dumasig bilang isang dedikado at karapat-dapat na lingkod-bayan.