Sugatan ang isang payong-payong driver matapos barilin ng mga holdaper sa naganap na insidente ng robbery hold-up sa Jose Lim Street, Poblacion 5, Cotabato City ngayong gabi ng Huwebes.

Kinilala ang sugatang biktima na si Datu Haron, 24-anyos, residente ng Purok Mangga, Katuli, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.‎‎Kasama ni Haron sa kanyang minamanehong kulay itim na Kawasaki Bajaj 125cc payong-payong motorcycle sina Baleng Sobrivilla at Tata Sobrivilla, kapwa vegetable vendor at residente ng Manday, Cotabato City.

‎‎Ayon sa paunang imbestigasyon, bandang 6:29 ng gabi nang sundan ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng itim na Honda Click ang mga biktima mula sa supermarket patungong Manday.‎‎

Pagdating sa naturang lugar ay nagdeklara ng holdap ang mga suspek ngunit nagtangkang manlaban ang driver na si Haron kaya ito binaril sa kaliwang kilikili gamit umano ng kalibre .45 na baril.‎‎

Agad na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Bajunaid area at tinangay ang isang cellphone at humigit-kumulang apat na libong pisong cash mula sa dalawang babaeng biktima.‎‎

Dinala naman ng mga rumespondeng pulis si Haron sa Cotabato Regional Medical Center para sa agarang gamutan.‎‎

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang basyo ng bala ng hinihinalang kalibre .45 na baril.‎‎Agad namang nagsagawa ng lockdown at hot pursuit operation ang mga tauhan ng Police Station 1, Cotabato Mobile Force Company at 6th Marine Company ngunit wala pang nadakip na suspek.‎‎

Patuloy naman ang ginagawang CCTV retrieval ng mga imbestigador sa mga kalapit na establisyemento upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.‎