Hindi na natalakay ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ang Parliamentary Bill No. 415, ang panukalang nagtatakda ng paghati ng mga parliamentary district sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), matapos mag-adjourn nang mas maaga ang sesyon noong Disyembre 18 dahil sa kakulangan ng quorum.
Sa isinagawang roll call, 38 lamang ang mga Member of Parliament ang naroroon sa plenaryo, na hindi umabot sa bilang na kinakailangan upang magpatuloy ang deliberasyon.
Dahil dito, nanatiling nakabinbin ang PB 415 at inaasahang tatalakayin pa lamang sa muling pagbubukas ng sesyon ng BTA Parliament sa ikatlong linggo ng Enero sa susunod na taon.
Nauna nang inadopt ng Committees on Rules at Local Government ng Bangsamoro Parliament ang PB 415 noong Disyembre 17, mula sa anim na panukalang districting bills, at ito ay sinertipikahang ‘urgent’ ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua sa pamamagitan ng liham kay Parliament Speaker Mohammad Yacob sa kaparehong araw noong Disyembre 17. Naipasok rin ang panukala sa Order of Business ng sesyon noong Disyembre 18, subalit hindi na ito umabot sa plenary deliberation.
Layunin ng PB 415 na magtatag ng 32 single-member parliamentary districts bilang paghahanda sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakda sa Marso 30, 2026.
Batay sa panukala, ang alokasyon ng mga distrito ay apat para sa Basilan, siyam sa Lanao del Sur, tig-lima sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, apat sa Tawi-Tawi, dalawa sa Special Geographic Area (SGA), at tatlo para sa Cotabato City.
Mayroon ding transitory provision ang panukala na nagbibigay-daan sa Kongreso na mag-ayos ng alokasyon ng mga upuan sakaling muling mapasama ang Sulu sa BARMM, alinsunod sa itinatakdang limitasyon ng Bangsamoro Organic Law.
Ang PB 415 ay pangunahing inakda nina MP Atty. Naguib G. Sinarimbo, kasama sina MP Atty. Kitem D. Kadatuan Jr., MP Tomanda D. Antok, MP Alindatu K. Pagayao, MP Ibrahim P. Ibay, MP Butch P. Malang, MP Abdulbasit R. Benito, MP Ma-Arouph B. Candao, MP Zaakaria A. Rakim, at MP Atty. Alirakim T. Munder.


















