Binigyang-diin ng Office of the Special Assistant to the President ang agarang pagpasa ng Bangsamoro election law na tinukoy umano ng opisina bilang huling legal na sangkap upang maisagawa ang kauna-unahang regular na parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at tuluyang makumpleto ang paglipat ng rehiyon sa isang ganap na halal na pamahalaan.

Ayon kay Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr., mahalaga ang panukalang batas sa Kongreso upang matiyak na maisasagawa sa lalong madaling panahon ang isang patas, inklusibo, at isang eleksyon na alinsunod sa mga umiiral na batas. Ito rin ang magsisilbing hudyat ng paglipat mula sa itinalagang Bangsamoro Transition Authority tungo sa isang ganap na halal na parlamento.

Nagbabala si Lagdameo na ang kabiguang matugunan ang mga legal na pangangailangan ay maaaring magdulot ng pagkaantala ng halalan. Kaayon ito ng naunang mga pahayag ng Commission on Elections na nagsabing anumang pagpapaliban ay mangangailangan ng bagong petsa ng halalan nitong 2026 upang hindi ito magsabay sa mga paghahanda para sa 2028 national elections.

“The first BARMM Parliamentary Elections will be a historic moment not just for the region but for the entire nation. It is an opportunity for the Bangsamoro to shape their parliament directly and to prove that democracy here is strong and that leadership is truly accountable to the people,” pahayag ni Lagdameo.

Sumasalamin din ito sa pananaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangang maisakatuparan ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections dahil malaking kontribusyon ito sa pagsasarili ng rehiyon at sa pagpapatuloy ng peace process. Aniya, hindi katanggap-tanggap ang magiging kabiguan ng nasabing halalan.

“If the election fails, that will be a big failure in the peace process, that’s why the BARMM elections need to be successful. Failed Bangsamoro polls not an option,” naunang sinabi ng Pangulo.

Isang mahalagang hakbang na ang nalampasan ng rehiyon noong Enero 13 matapos aprubahan ng BTA Parliament ang BTA Bill No. 415 o ang Bangsamoro Parliamentary Districts Act of 2025.

Itinatakda nito ang pagbuo ng 32 single-member districts na siyang rekisitong itinakda ng Konstitusyon upang maituloy ang halalan. Naipasa ang panukala matapos ang 10-oras na sesyon na may 48 boto pabor, 19 tutol, at apat na abstention.

Sa ilalim ng batas, siyam na distrito ang inilaan sa Lanao del Sur kabilang ang Marawi City, tig-lima sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, tig-apat sa Basilan at Tawi-Tawi, tatlo sa Cotabato City, at dalawa sa Special Geographic Area. Tumutugon ang panukala sa mga pamantayang konstitusyonal at sa desisyon ng Korte Suprema noong 2025 na nagbasura sa naunang districting law at nagtanggal sa Sulu bilang bahagi ng BARMM.

Matapos ang pagpasa ng districting law, inaasahang sisimulan na ng COMELEC ang mas pinalawak na paghahanda para sa halalan. Sa kauna-unahang BPE ay ihahalal ng BARMM, ang 32 district representatives, 40 party-list members, at walong sectoral representatives na bubuo sa kauna-unahang 80-kasaping regular na Bangsamoro Parliament.