Empowerment at pagiging progresibo ng mamamayan at ng gobyernong Bangsamoro at pagsasabatas ng mga batas na may pakialam at kinalaman sa pagpapaunlad ng rehiyong Bangsamoro kung sila ang maupo sa darating na 2025 Parliamentary Elections ang magiging adhikain ng itinuturing na bago at alternatibong partido na Progresibong Bangsamoro Party o PBP.
Sa panayam ng Star FM Cotabato sa pangulo ng partido na si MP Don Mustapha Arbison Loong, layunin ng PBP na maging progresibo at maging empowered ang sektor ng civil society at ng mamamayan.
Ayon kay Loong, maiiba sa lahat ng kasalukuyang partido sa rehiyon ang PBP dahil sa ito ay sumusuporta sa demokrasya, pagkakaisa, hustisyang panlipunan maging ng pagiging responsable ng bawat mamamayan lalot higit sa kalikasan at sustainable development, mapakabataan o matanda.
Layunin din ng partido na itulak ang pakikipagtalastasan o konsultasyon sa bawat sektor, pagdevelop sa tinatawag na likas na kakanyahan ng tao o human capital, pagtulak sa mga lehislasyon o pagsasabatas ng mga makatuwiran at mapapakinabangang mga panukala maging ang gender balanced leadership and development.
Ibat ibang sektor ang kabilang sa PBP kasama na ang mga religious, legal, academic, economic, business at cooperative development.
Si Loong ay kabilang sa angkan ng mga Tupay sa lalawigan ng Basilan, Loong, Arbison at Tingkahan sa Sulu at mga Sali at Matba naman sa Tawi Tawi.
Ipinagmamalaki naman ng partido ang 40,000 nitong miyembro sa buong rehiyon.
Inilunsad ang PBP matapos ito magsampa ng kanilang pagnanais na maglahok sa halalang darating sa opisina ng COMELEC BARMM sa lungsod ng Cotabato kaninang umaga sa opisina ng Comelec Regional Director na si Atty. Ray Sumalipao.