Niyanig ang Barangay Veterans Village, Ipil, Zamboanga Sibugay, matapos na barilin ang isang mataas na opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong nakaraang gabi, Enero 15, 2026.

Kinilala ang biktima bilang si Lt. Junior Grade Glennick Ytang, Station Commander ng PCG sa lalawigan. Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:15 ng gabi sa kahabaan ng National Highway sa nasabing barangay. Base sa mga saksi, kaagad matapos lumabas ito sa isang coffee shop, umupo sa kanyang sasakyan si Ytang habang may kausap sa kanyang cellphone nang biglang pinagbabaril ito.

Sa pangunguna ni Police Colonel Barnard Danie Dasugo, Provincial Director ng ZSBPPO, inilunsad ang malawakang manhunt laban sa mga suspek. Kasalukuyang kumakalap ang mga investigator ng forensic evidence at testimonya mula sa mga saksi upang matukoy ang motibo sa likod ng pagpaslang.

Naglatag na rin ang kapulisan ng checkpoints sa Ipil at mga karatig-lugar upang pigilan ang pagtakas ng mga gunmen.

Ayon sa imbestigasyon, posibleng kaugnay ang insidente sa trabaho ni Ytang sa PCG, partikular sa kanyang kampanya laban sa smuggling at maritime security, subalit hindi rin isinasantabi ang personal na alitan bilang posibleng motibo.

Nanawagan ang lokal na pamahalaan at PNP sa mga residente ng Barangay Veterans Village na makipagtulungan sa kapulisan at i-report agad ang anumang CCTV footage o nakitang kahina-hinalang tao sa lugar.

“Hindi kami hihinto hangga’t hindi napananagot ang mga responsable sa krimeng ito,” ani Dasugo.