Tinapos na ng Philippine Coast Guard (PCG) – Technical Diving Group ang full underwater search sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3 matapos ang 27 araw ng high-risk technical wreck deep water diving operations sa karagatang sakop ng Baluk-Baluk Island noong Pebrero 23, 2026.

Ayon kay Coast Guard District Southwestern Mindanao Commander Commodore Rejard Marfe, mula pa noong Enero 28, 2026 ay hinarap ng mga technical diver ng PCG ang matitinding hamon sa ilalim ng dagat kabilang ang malalakas na agos, halos zero visibility dulot ng makapal na putik o siltation, mga nakalubog na panganib, at hindi matatag na estruktura ng barko. Sa kabila nito, matagumpay na na-recover ang 22 bangkay mula sa iba’t ibang bahagi ng sasakyang pandagat.

Sistematikong hinanap ng mga diver ang Deck A, Deck B, car deck kabilang ang mga sasakyang sakay ng barko, at maging ang engine room na pinasok kahit may oil contamination at nagkalat na debris na lalong naglimita sa visibility.

Batay sa isinagawang underwater assessment, kasalukuyang nakatagilid sa kaliwang bahagi o port side ang barko. Nanatiling buo ang magkabilang exposed sides ng hull, kabilang ang mga rampa, at walang nakitang panlabas na bitak. Gayunman, sa car deck ay may mga bahagyang gumuhong sasakyan na nakahilig sa kaliwa na nagdulot ng dagdag na sagabal sa pagpasok sa loob ng barko.

Bagama’t natapos na ang kabuuang paghahanap sa loob ng barko, magpapatuloy pa rin ang diving operations hanggang Pebrero 26, 2026 para sa re-swiping procedures upang matiyak na wala nang bahaging hindi nasuri at mabigyan ng katiyakan ang mga pamilyang naghihintay ng hustisya at pagsasara sa trahedya.