Ibinigay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kabuuang ₱7,466,707.69 bilang cash reward sa 31 civilian informants sa buong bansa noong Marso 23, 2026, sa ilalim ng Operation: Private Eye (OPE), isang programang nagtataguyod ng pakikipagtulungan ng mga ordinaryong mamamayan laban sa banta ng ilegal na droga.

Sa isang simpleng seremonya sa PDEA National Office sa Quezon City, anim na informants ang tumanggap ng kanilang premyo nang hindi ibinunyag ang kanilang pagkakakilanlan para sa seguridad. Ang iba pang awardees ay kinilala sa mga PDEA Regional Offices sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Dumalo sa seremonya si Secretary Oscar F. Valenzuela bilang Guest of Honor, kasama ang mga opisyal ng PDEA at miyembro ng OPE Reward Committee.
Ani PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, “Ang mga indibidwal na ito ang halimbawa ng lakas ng citizen action. Ang impormasyon nila ang nagbunsod sa 33 anti-drug operations na nagresulta sa pagkakumpiska ng malalaking dami ng droga at pag-aresto ng high-value drug personalities.”

Ang nangungunang informant ay nakatanggap ng ₱1,834,640.81 matapos ang kanilang impormasyon na humantong sa pagkaka-seize ng 24.983 kilo ng shabu at pag-aresto ng tatlong drug personalities sa buy-bust operation sa Maharlika Highway, Sitio Purok II, Brgy. Masin Norte, Candelaria, Quezon noong Oktubre 10, 2025.

Hinimok ng PDEA ang publiko na makilahok sa laban kontra-droga sa pamamagitan ng pagtawag sa OPE hotline 0917-867-7332. “Sa pagtutulungan ng PDEA at mga mamamayang mapagmatyag at matapang, maitatag natin ang isang malakas na intelligence network sa buong bansa. Kapag nagkaisa, mapagtagumpayan natin ang droga at makakamit ang isang ligtas at tunay na Bagong Pilipinas,” dagdag pa ng PDEA Chief.

















