Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Maguindanao del Norte Provincial Office at ng mga kasamang yunit ng pulisya ang dalawang drug suspect sa matagumpay na buy-bust operation sa kahabaan ng Sinsuat Avenue, Rosary Heights 10, Cotabato City noong Nobyembre 7, 2025.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Mimi,” 43 taong gulang, isang magsasaka, at alyas “Magui,” 39 taong gulang. Ang dalawa ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA BARMM Jail Facility habang hinihintay ang kanilang inquest proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nasamsam mula sa mga suspek ang limang (5) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng tinatayang 250 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱1.7 milyon, dalawang (2) Android cellphones, at buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) ng Republic Act 9165, na may kaukulang parusang habambuhay na pagkakakulong.

Patuloy na pinaigting ng PDEA at PNP ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga sa buong rehiyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mamamayan ng Bangsamoro.