Matagumpay na natapos ng World Vision Philippines, kasama ang kanilang mga partner sa buong Bangsamoro, ang tatlong-taong European Union-funded Promoting Efforts Addressing Conflict through Education (PEACE) Mindanao Project sa ginanap na 2025 Annual Peace Conference nitong Disyembre 2–3 sa Cotabato City.

Dumalo sa aktibidad ang mga kabataan, guro, pinuno ng relihiyon, at peace advocates mula sa iba’t ibang sektor upang talakayin ang mga natamong hakbang at muling ipakita ang suporta sa peacebuilding sa Mindanao.
Ayon sa ulat, itinampok sa kumperensya ang hangarin ng rehiyon para sa pagkakaisa sa kabila ng magkakaibang kultura at pananampalataya. Hinikayat ng keynote speaker na si Hashim Manticayan, Presidente ng League of Bangsamoro Organizations, ang pagpapatibay ng respeto sa multi-faith, pagpapalakas ng pamilya at kabataan, at pagsasanay sa mga bata bilang maagang tagapagtatag ng kapayapaan.

Ang kumperensya ang nagsilbing huling aktibidad matapos ang serye ng peacebuilding initiatives tulad ng Peace Camps, Youth Peace Summits, Peace Concerts, at Cultural Events, na isinagawa sa loob ng tatlong taon ng proyekto. Ilang kabataan na lumahok sa mga Peace Camps ang nagsabing natutunan nilang pakinggan muna bago kumilos upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.

Sa loob ng tatlong taon, iniulat na nasanay ang higit 1,500 bata at halos 1,000 kabataan sa Empowering Children as Peacebuilders (ECaP) model, nakabuo ng 15 School Peace Clubs at 19 youth groups sa Marawi at Cotabato, at naisagawa ang dalawang peace forums na nagbigay ng espasyo para sa dialogue sa pagitan ng civil society at academic peace actors.
Napalakas rin ang kakayahan ng mga kababaihan, kabataan, barangay peace councils, at faith leaders sa conflict management, at naitatag ang network ng women mediators sa barangay-level conflicts. Pinalakas din ang lokal na peace structures sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga guro at integrasyon ng ECaP modules sa paaralan.

Ayon sa ulat, bagamat natapos na ang proyekto, nakasaad na patuloy pa rin ang mga hakbang para suportahan ang peacebuilding sa BARMM, lalo na sa kabataan at komunidad.

















