Patuloy ang proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao kahit may pagkaantala sa huling yugto ng decommissioning o pag-disarma ng mga mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front.

Ayon kay Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine Army, hindi apektado ang pagpapatupad ng mga peace programs at nananatiling maayos ang koordinasyon ng militar at MILF.

Dagdag pa niya, prayoridad ng gobyerno ang seguridad at kaayusan sa mga dating conflict-affected areas, habang tuloy-tuloy rin ang mga proyektong pangkaunlaran para sa mga residente.

Kasabay nito, muling nanawagan ang Army sa mga natitirang kasapi ng New People’s Army na sumuko na at wakasan ang armadong pakikibaka.

Tiniyak ng militar na nasa tamang direksyon ang peace process sa BARMM, at mahalaga ang sama-samang pagkilos upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran.