Patuloy na iniimbestigahan ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PROBAR) ang pananambang na ikinasawi ng DOS Election Officer Maceda Lidasan-Abo at kanyang asawa na si Jojo Abo sa Barangay Makir, Datu Odin Sinsuat (DOS), Maguindanao del Norte.

Ayon kay PROBAR Regional Director PBGen. Romeo Macapaz, mayroon nang person of interest na sinusundan kaugnay ng insidente.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, tinatayang apat o higit pang suspek ang sangkot sa pamamaslang.

Lumalabas din na job-related ang isa sa mga posibleng motibo sa pag-atake sa opisyal ng Commission on Elections (COMELEC).

Patuloy naman ang paghahanap ng mga awtoridad sa kinaroroonan ng mga suspek upang mapanagot ang mga ito sa krimen.

Samantala, naghihintay na lamang ang PROBAR ng opisyal na memorandum mula sa COMELEC upang pormal na isailalim sa COMELEC control ang bayan ng Datu Odin Sinsuat sa nalalapit na Mayo 12, 2025 national and local elections.