Naghain sa Korte Suprema ang petisyoner na si Zaoawi Buludan upang hilingin na patawan ng indirect contempt ang ilang opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament dahil sa umano’y sadyang kabiguan na ipatupad ang desisyon ng mataas na hukuman kaugnay ng Bangsamoro Parliament Redistricting.

Sa petisyong inihain kahapon, iginiit ni Buludan na tahasang sinuway ng mga respondent—kabilang ang ilang miyembro ng BTA Committee on Local Government—ang utos ng Korte Suprema na magpasa ang BTA Parliament ng isang balido at konstitusyonal na batas para sa redistricting ng rehiyon.

Ayon pa sa petisyon, nananatiling walang konkretong aksyon ang Bangsamoro Parliament sa kabila ng malinaw na mga panuntunang inilatag na ng Korte Suprema. Dahil dito, sinasabing naaapektuhan ang tamang representasyon ng mamamayan, humihina ang prosesong demokratiko, at nababawasan ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng Bangsamoro.

Dahil sa umano’y patuloy na paglabag, hiniling ng petisyoner na isailalim sa indirect contempt ang mga sangkot na opisyal at agad na iutos ang pagpapatibay ng isang districting law na malinaw na sumusunod sa desisyon ng Korte Suprema.

Binigyang-diin din sa petisyon na ang autonomiya ng Bangsamoro ay hindi hiwalay sa Konstitusyon at nananatiling saklaw ng kapangyarihan ng Korte Suprema ang lahat ng sangay ng pamahalaan—maging pambansa man o rehiyonal.

Matatandaang noong Disyembre, hiniling ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa BTA Parliament at kay Speaker Mohammad Yacob na magsagawa ng special session upang talakayin ang districting law, subalit hindi ito natuloy.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang atensyon ng buong BARMM sa magiging pasya ng Korte Suprema sa kasong ito na nananatiling nakabinbin sa mataas na hukuman.