Humingi ng pagkakaisa si Interim Chief Minister Abdulraof Macacua habang inihayag niya ang kanyang pag-aalala sa umano’y mga pagtatangka na hatiin ang rehiyon sa kritikal na yugto ng kapayapaan.
“Pinagsisikapan kong pag-isahin ang buong Bangsamoro, ngunit may iba na nais itong paghiwa-hiwalayin,” ani Macacua, kaugnay ng petisyong isinampa sa Supreme Court of the Philippines na naglalayong tanggalin siya at anim pang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa kanilang posisyon.
Ang petisyon, na may kasamang hiling para sa declaratory relief at iba pang remedyo, ay nagdududa sa karapatan ng pitong miyembro ng BTA na magpatuloy sa kanilang panunungkulan. Ayon sa dokumento, nakasaad ang pangalan ni Macacua at anim pang transition parliamentarians bilang mga respondent.
Para kay Macacua, higit pa sa simpleng hamon sa korte ang naturang aksyon. Ayon sa kanya, maaaring panganib ito sa mga pinaghirapang tagumpay ng kapayapaan sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng mga Moro fronts tagumpay na nagbigay-daan sa pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Aniya, ang panawagan niya para imbestigahan ang mga taong nasa likod ng petisyon ay hindi para patahimikin ang kritisismo, kundi para alamin kung mayroong layuning hadlangan ang gobyerno ng rehiyon at ang pagsisikap ng pambansang pamahalaan na pabilisin ang landas tungo sa kapayapaan.

















