Muling pinagtibay ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) at PhilHealth-BARMM ang kanilang kasunduan para palakasin ang implementasyon ng Z-Benefit Packages, sa pamamagitan ng isang seremonyal na pirmahan ng kontrata.
Layon ng Z-Benefit Program na bawasan ang pasanin ng mga pasyente at kanilang pamilya sa harap ng magastos at matagal na gamutan.
Ayon kay Dr. Baby Girl Abantas, hepe ng CRMC Claims Section, may 12 Z-Benefit Packages ang maaaring i-avail ng mga pasyente sa ospital. Kabilang dito ang Peritoneal Dialysis, gamutan para sa Acute Lymphocytic Leukemia, Colon, Rectal, Cervical at Breast Cancer, Coronary Artery Bypass, at iba pa.
Binigyang-diin ni CRMC Chief Dr. Ismael Dimaren ang kahalagahan ng kasunduang ito bilang bahagi ng layunin ng ospital na isulong ang health equity at gawing abot-kaya ang serbisyong medikal para sa masa.
Dumalo rin sa pirmahan si PhilHealth BARMM Regional VP Datu Masiding Alonto, Jr., na nagpahayag ng papuri sa dedikasyon ng CRMC sa pagpapatupad ng Z-Benefit Program ng ahensya.