Pormal nang itinurn-over ng Ministry of Public Works (MPW), sa pamumuno ni Minister Arch. Eduard Uy Guerra, ang inayos at pinagandang Sultan Haji Hassanal Bolkiah Mosque sa Barangay Kalanganan II, Cotabato City sa Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage (BCPCH).

Pinangunahan ang seremonya noong Hulyo 1 ng Senior Minister Mohammad Yacob, bilang kinatawan ng Office of the Chief Minister (OCM), kasama si BCPCH Chairperson Dr. Salem Lingasa at ilang regional at local officials.

Ang rehabilitasyon, na pinondohan ng OCM, ay sinimulan sa pamumuno ni dating CM Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim at natapos sa ilalim ni interim CM Abdulraof Macacua. Kabilang sa mga upgrades ang modernong electrical system, ilaw, waterproofing, bagong pintura, aircon, carpet, ritwal bathhouse, office building, at perimeter fence.

Ayon kay Yacob, ang masjid ay magsisilbing sentro ng pag-aaral, serbisyong panlipunan, at pananampalataya. Giit naman ni Dr. Lingasa, titiyakin ng BCPCH na mananatili itong simbolo ng kultura, pagkakaisa, at pananalig ng Bangsamoro.

Ang proyekto ay bahagi ng ika-12 priority agenda ng Bangsamoro Government sa pangangalaga ng pamanang kultural ng rehiyon.