Umabot na sa 132 ang bilang ng nasawi sa ginanap na pulis raid sa mga komunidad ng Alemão at Penha sa Rio de Janeiro, Brazil, na itinuturing ng Public Defender’s Office bilang pinakamadugong operasyon sa kasaysayan ng lungsod.
Doble na ito sa naunang ulat na 58 patay. Ayon kay Governor Cláudio Castro, patuloy na iniimbestigahan ng mga forensic expert ang pagkakakilanlan ng mga biktima, ngunit iginiit niyang karamihan sa mga nasawi ay konektado sa sindikato.
Batay sa mga saksi, nagmistulang giyera ang mga kalsada nang magbakbakan ang mga pulis at armadong grupo. Gumamit umano ang ilang gang ng mga drone na may pampasabog para atakihin ang awtoridad.
Kinondena ng United Nations Human Rights Office ang operasyon, tinawag itong labis na marahas. Samantala, nagpahayag din ng pagkabigla at panghihinayang si Brazil President Luiz Inácio Lula da Silva, dahil hindi siya nabigyan ng paunang abiso sa malawakang operasyon.
Target ng raid ang Red Command, isang kilalang sindikato ng ilegal na droga. Sa kabilang panig, apat na pulis ang nasawi rin sa engkwentro.
Naganap ang operasyon ilang araw bago ang C40 World Mayors Summit at Earthshot Prize sa lungsod, na inaasahang dadaluhan ni Prince William ng United Kingdom.
 
		
















