Napatay ang kinikilalang Amir o pinuno ng teroristang Dawlah Islamiya – Hassan Group (DI-HG) na si Ustads Mohammad Usman Solaiman sa isinagawang pursuit operation ng pinagsanib na puwersa ng kasundaluhan sa ilalim ng 601st Brigade nitong Disyembre 7, 2025, sa Brgy. Satan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Si Solaiman, kapatid ng yumaong Ustadz Kamaro Usman at pamangkin ng yumaong bomb expert na si Basit Usman, ay kilala rin bilang eksperto sa paggawa ng bomba at may ugnayan sa Abu Sayyaf at Jemaah Islamiya. Itinuturing siya at ang kanyang katulong na si Norodin Hassan (Andot), Amir for Military Affairs ng DI-HG, bilang posibleng papalit kay Abu Azim, na napatay noong Disyembre 2, 2021 sa Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Ayon sa ulat, responsable si Solaiman at ang kanyang grupo sa sunod-sunod na pag-atake sa rehiyon, kabilang ang pambobomba sa Rural Bus sa Parang, Maguindanao del Norte (Abril 24, 2022), Yellow Bus Bombing sa Koronadal City at Tacurong City (Mayo 26, 2022), Yellow Bus Bombing sa Brgy. New Isabela, Tacurong City, Sultan Kudarat (Nobyembre 6, 2022), Husky Bus Bombings sa Isulan Integrated Terminal (Abril 17, 2023), Pag-ambush sa tropa ng 40IB sa Brgy. Tuayan, Datu Hoffer, Ampatuan, Maguindanao del Sur at pagpatay sa tatlong sibilyang negosyante mula Batangas.

Patuloy na tinutugis ng kasundaluhan ang iba pang miyembro ng grupo. Ayon kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, malaking tulong ang kooperasyon ng mga residente sa pagtukoy sa lokasyon ng grupo.

Aniya, ang pagkamatay ni Solaiman ay “malaking dagok sa teroristang grupo” at hinihikayat ang natitirang miyembro na sumuko sa pamahalaan.