Bilang early preparation o paghahandang kagyat sa paparating na mga aktibidades na may kaugnayan sa May 2025 National, Local and First BARMM Parliamentary elections, nagsagawa ng isang coordinating conference ang Provincial Joint Security Control Center o PJSCC ng lalawigan ng Maguindanao del Sur nitong nakaraang Miyerkules, January 8.

Ang naturang pagtitipon ay inorganisa ng Office of the Provincial Election Officer ng nasabing lalawigan sa pangunguna ng PEO nito na si Atty. Allan Kadon. Present sa nasabing aktibidad ang mga opisyal at representante ng AFP, dalawampu’t apat na hepe ng pulisya sa lalawigan kasama na rin ang mga Municipal Election Officers sa probinsya.

Ipinrisenta ni Maguindanao del Sur Provincial Chief of Operations Unit PLtCol. Sandro Ampad ang mga mahahalagang update at datos hinggil sa seguridad ng lalawigan upang matiyak na nakahanda ang yunit ng kapulisan sa lalawigan sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaaan sa papalapit na halalan.

Ginawa ang kumperensya upang mapalakas ang pagtutulungan at kolaborasyon ng iba’t-ibang pwersa kasama na ang militar at mga Election Officials upang matiyak ang tama, tapat, wasto at ligtas na proseso ng botohan.

Tinalakay din sa nasabing pulong ang mga nakaambang security concerns, voters education, paglalagay ng epektibong communication protocols at kung ano ang magiging gawain ng bawat ahensya na sangkot sa pambansa at lokal na halalan sa probinsya.