Nauwi sa pagkakaaresto ang isang babaeng kabilang sa listahan ng most wanted ng pulisya sa rehiyon matapos siyang madakip sa Cotabato Airport sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, umaga ng Setyembre 1.

Kinilala ang suspek na si Jasmiya Camsa Ibrahim, 31-anyos, residente ng Sitio Nakan, Barangay Kapaya, Bagumbayan, Sultan Kudarat. Siya ang itinuturing na Top 10 Most Wanted Person sa buong rehiyon at Top 1 Most Wanted sa antas ng lungsod.

Nadakip si Ibrahim sa bisa ng isang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 13, Cotabato City noong Enero 21, 2021 para sa kasong paglabag sa batas kaugnay ng illegal possession of firearms, ammunition, and explosives. Walang piyansang inirekomenda laban sa kanya.

Sa ikinasang operasyon, magkatuwang na kumilos ang City Intelligence Unit ng Cotabato City Police Office, mga tauhan ng Police Station 3 at 4, Regional Mobile Force Battalion, at iba pang yunit ng seguridad at intelligence.

Narekober mula sa suspek ang iba’t ibang gamit, kabilang ang tatlong national ID na may magkakaibang pangalan, ilang SIM card, isang cellphone, ATM at e-wallet cards na nakapangalan din sa iba’t ibang tao, pati na isang BIR ID, Suki card, at salapi.

Matapos maaresto, ipinaunawa ng mga awtoridad kay Ibrahim ang kanyang mga karapatang konstitusyonal. Siya ay pansamantalang nakakulong sa custodial facility ng pulisya habang hinihintay ang commitment order mula sa korte.