Tinanggal na sa puwesto si Police General Nicolas Torre III bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), batay sa kautusang inilabas ng Office of the President na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Epektibo agad ang naturang pagbabago at inatasan si Torre na magsagawa ng maayos na turnover ng mga dokumento at impormasyon upang hindi maantala ang operasyon ng pambansang pulisya.

Matatandaang si Torre ay naupo bilang PNP Chief noong Mayo 29, 2025 at sa kanyang pamumuno isinagawa ang ilang malalaking operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at ni Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy.

Samantala, bagama’t wala pang opisyal na pahayag mula sa Malacañang, lumalabas na si Police General Melencio Nartates ang napiling bagong PNP Chief. Inaasahang bibigyang-diin nito ang internal cleansing at mas malakas na presensya ng kapulisan sa mga komunidad.

Itinuturing ang biglaang pag-alis ni Torre bilang bahagi ng mas malawak na reporma sa hanay ng PNP.