Pormal nang sinampahan ng kaso ng Philippine National Police ang 18 indibidwal na itinuturong sangkot sa madugong pamamaslang na naganap sa Barangay Malinan, Kidapawan City noong Nobyembre 25, 2025.

Batay sa ulat, pitong bilang ng murder ang inihain laban sa mga suspek matapos ang isinagawang masusing imbestigasyon ng Special Investigation Task Group (SITG) “Malinan” ng Cotabato Police Provincial Office. Ang paghahain ng kaso ay isinagawa alinsunod sa mga ebidensyang nakalap at naitala sa Police Blotter Entry No. 865.

Matapos ang maingat na pagsusuri ng mga testimonya at pisikal na ebidensya, dinala ng pulisya ang mga reklamo sa Office of the City Prosecutor. Ang mga kasong murder ay saklaw ng Article 248 ng Revised Penal Code. Opisyal na naisampa ang mga ito noong Disyembre 22, 2025.

Ayon kay Cotabato Police Provincial Director PCOL Jerson B. Birrey, ipinapakita ng paghahain ng mga kaso ang matibay na paninindigan ng PNP na maipagkaloob ang hustisya sa mga biktima at kanilang mga pamilya, at matiyak na papanagutin sa batas ang mga responsable sa krimen.