Tukoy na ng pulisya ang suspek sa karumal-dumal na pagpatay at panghahalay sa dalawang taong gulang na si alyas Kiara sa Barangay Buluan, Pigcawayan, North Cotabato at agad nang sinimulan ng PNP ang malawakang manhunt operation laban dito.
Ayon kay Pigcawayan Chief of Police Maj. Maxim Peralta, kinilala ang suspek sa alyas na Rex, isang lifeguard sa resort kung saan natagpuan ang bangkay ng bata noong Agosto 19, 2025. Si Rex ang itinuro ng isang testigo bilang huling nakasama ni Kiara bago matagpuang palutang-lutang at wala nang buhay.
Haharapin ni Rex ang kasong rape with homicide at lumabas din sa imbestigasyon na dati na umanong may reklamo laban sa kanya ang ilang residente kaugnay ng kamanyakan at umano’y sexual na pang-aabuso, na unang naitala sa kanilang barangay.
Upang mapabilis ang pagdakip sa suspek, nag-alok si Sen. Raffy Tulfo ng ₱500,000 na pabuya, habang ₱50,000 pa ang inilaan ng pamilya ng biktima.
Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad kay Rex na itinuturing nang isa sa most wanted na kriminal sa lugar dahil sa bigat ng krimeng ginawa.

















