Tatlong bangkay ng hindi pa nakikilalang mga lalaki ang nahukay ng mga awtoridad sa Sitio Goma, Barangay Nabundas nitong Biyernes, Mayo 30, 2025.

Kinumpirma ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at mga lokal na opisyal ng Shariff Saydona Mustapha na ang mga labi ay natagpuan sa isang bahagi ng rubber plantation, matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente hinggil sa umaalingasaw na masangsang na amoy sa lugar.

Agad isinagawa ng mga pulis ang paghuhukay at nadiskubre ang tatlong bangkay. Dinala ang mga ito sa isang punerarya sa Barangay Kauran, Ampatuan, habang patuloy pa ang imbestigasyon para matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.

Nauugnay ang insidente sa naunang ulat ng pagkawala ng tatlong lalaking negosyante ng imported hybrid na kambing na pang-breeding. Ayon sa ulat, huli silang nakitang buhay habang patungo sa isang bayan sa probinsya para makipagkita sa isang contact.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga otoridad para matukoy kung ang tatlong bangkay ay ang parehong mga nawawalang negosyante.