Nasamsam ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang ₱5.2 milyon halaga ng pekeng produkto at naaresto ang pitong indibidwal sa isang buy-bust operation sa Parañaque City.

Isinagawa ang operasyon bandang alas-12:15 ng tanghali noong Disyembre 18, 2025, sa ikatlong palapag ng isang negosyo sa Barangay San Dionisio. Pinangunahan ito ng Criminal Investigation and Detection Group–Specialized Mission and Monitoring Division Field Unit (CIDG-SMMDFU), katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI).

Kinilala ang mga arestado na sangkot sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 3883 (Prohibiting Counterfeit and Pirated Goods), Republic Act No. 8293 (Intellectual Property Code), at Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012). Nasamsam mula sa lugar ang 386 bales ng pekeng SHEIN products, buy-bust money, at iba pang ebidensiya.

Ayon kay PNP Acting Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang operasyon ay bahagi ng kanilang patuloy na kampanya laban sa ilegal na kalakalan at proteksyon sa publiko at lehitimong negosyo. Binanggit din niya na tuloy-tuloy ang pagbabantay at aksyon ng PNP laban sa mga sangkot sa pekeng produkto at cybercrimes.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG-SMMDFU ang mga suspek para sa kaukulang inquest at legal na proseso. Ang operasyon ay nakabatay sa PNP Focused Agenda, na naglalayong gawing mas responsable, maaasahan, at mabilis ang serbisyo ng pulisya, alinsunod sa direksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”