Mahigit ₱57.5 milyon halaga ng ilegal na droga ang nasamsam habang 15 suspek, kabilang ang 13 High-Value Individuals, ang naaresto sa dalawang araw na sunod-sunod na anti-illegal drug operations ng Philippine National Police (PNP) mula Nobyembre 23 hanggang 25, 2025.
Ayon kay Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio Nartatez Jr., malaking tagumpay ang pinaigting na operasyon ng pulisya sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa unang bugso ng operasyon noong Nobyembre 23–24, nakakumpiska ang PNP ng ₱40.7 milyon halaga ng droga at nakaaresto ng 12 suspek sa Cebu, Zamboanga City, Negros Oriental, Olongapo City, Leyte, at Tacloban. Kasama rito ang malalaking marijuana eradication operations sa Benguet at Ilocos Sur, kung saan 94,300 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng ₱18.86 milyon ang winasak. Nasamsam din ang 3.2 kilo ng shabu na aabot sa ₱21.9 milyon sa magkakahiwalay na buy-bust operations.
Sa ikalawang yugto naman noong Nobyembre 24–25, nadagdagan pa ng ₱16.7 milyon ang kabuuang halaga ng nakumpiskang droga, habang tatlong HVI ang naaresto sa Benguet, Ilocos Sur, Iloilo, Iloilo City, at Camarines Sur. Nawasak ang 29,740 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng ₱5.9 milyon, at higit 1.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱10.7 milyon ang nakuha mula sa operasyon.
Sa kabuuan, umabot sa ₱57,518,720 ang halaga ng nakumpiskang droga katumbas ng 3,340.4 gramo ng shabu at 124,040 fully grown marijuana plants.
Pinuri ni PLTGEN Nartatez ang mabilis at koordinadong operasyon ng mga yunit, at sinabing matibay ang determinasyon ng PNP na buwagin ang mga drug network sa bansa. Aniya, susi ang tuloy-tuloy na pagtutulungan ng PNP, PDEA, at iba pang ahensya para maramdaman ng publiko ang positibong resulta ng kampanya kontra droga.
Samantala, tiniyak ni PNP Spokesperson PBGEN Randulf Tuaño na patuloy na magbibigay ng tapat at napapanahong impormasyon ang PNP, kasabay ng panawagan sa publiko na manatiling mapagmatyag.
Tiniyak ng PNP na hindi hihinto ang mga operasyon kontra ilegal na droga, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mas ligtas at mas payapang komunidad sa buong bansa.

















