‎Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi pinahintulutan ng pamunuan ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) at ni Regional Director PBGen. Jaysen De Guzman ang isinagawang background check sa mga mamamahayag sa Cotabato City.

‎Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay PBGen. Randulf Tuaño, tagapagsalita at pinuno ng PNP Public Information Office, sinabi nito na personal lamang niyang nalaman ang isyu matapos makausap si Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) Executive Director Usec. Joe Torres. Agad umano niyang ipinagbigay-alam kay Gen. De Guzman ang nasabing usapin.

‎Dito na nagkaroon ng pag-uusap sina Tuaño at De Guzman upang alamin ang dahilan kung bakit isinagawa ng Regional Public Information Office (RPIO) ng PRO-BAR ang naturang hakbang. Nang mabatid ang ginawa, agad umanong nabahala si De Guzman at kaagad na nagbigay ng kautusan sa RPIO na itigil ang background checking.

‎Humingi rin ng paumanhin si De Guzman sa hanay ng mga mamamahayag sa lungsod. Ayon kay Tuaño, tiniyak ng PRO-BAR na aaksyunan kaagad ang insidente upang hindi na makapagdulot ng pangamba at kalituhan sa mga miyembro ng media na tinaguriang ikaapat na estado sa lipunan.