Nakaligtas ang tatlong pulis na sakay ng isang patrol car matapos itong hagisan ng granada ng isang dating preso sa Barangay Osias, Kabacan, North Cotabato kagabi, Pebrero 21.
Gayunman, dalawang sibilyan ang nasugatan sa insidente. Ayon sa ulat ng Kabacan PNP, hinabol ng mga pulis ang isang kahina-hinalang lalaki mula Barangay Kayaga matapos nitong iwasan ang isang checkpoint.
Nang makarating sa Barangay Osias, nawalan sila ng bakas ng lalaki, kaya’t bumalik sila sa kanilang ruta.
Sa hindi inaasahang pangyayari, biglang inihagis ng suspek ang isang granada sa patrol car habang nasa tapat ng isang KTV bar. Sumabog ito sa ilalim ng sasakyan at tinamaan ang tangke ng gasolina.
Sa isinagawang post-blast investigation ng Explosive Ordnance Disposal team, natukoy na isang MK2 grenade ang ginamit ng suspek, na kinilala bilang isang dating bilanggo.
Habang ligtas ang mga pulis, nagtamo naman ng sugat ang isang tindero ng barbecue at isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) na nasa malapit sa pinangyarihan.
Patuloy na iniimbestigahan ng PNP ang insidente upang matukoy ang motibo at mapanagot ang responsable sa pagpapasabog.