Hindi alintana ng ilang grupo mula sa lalawigan ng Maguindanao Del Sur ang init ng panahon nitong umaga lunes para hindi ipahayag ang kanilang pagkadismaya at pagdadalamhati matapos nito isagawa ang justice rally sa Cotabato City Plaza.

Humihingi ng agarang hustisya sa mga kinauukalan hinggil sa ina at tatlong buwang sanggol nito na walang-awang tinambangan at pinaslang sa Brgy. Mileb, munisipalidad ng Rajah Buayan sa nasabi ring lalawigan nitong December 12, araw ng Huwebes.

Nagpahayag ng pakikidalamhati ang mga opisyales sa lalawigan, ang ilang miyembro ng parlyamento, maging ang mismong alkalde ng Rajah Buayan na si Bai Maruja Ampatuan at Former Maguindanao Governor Esmael Mangugudatu.

Sa talumpati ni Former Gov. Mangungudatu, mariin nitong kinondena ang pananambang sa mag-ina ni PFC Michael Basalo PA, Bravo Coy. 34IB, 11th ID na isang escort sa alcalde ng Rajah Buayan.

Binigyang-diin ng dating gubernador na tigilan na ang mga ‘politically motivated violence’ at tahakin na ang tamang landas patungong kapayapan, panawagan ni Mangudadatu kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa Kalihim ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Philippine Army, Bangsamoro Government, at iba pang Law Enforcers ng Pilipinas na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng mga suspek sa pananambang dahil wala umanong gustong magsalita dahil na rin umano sa tinding takot.

Dagdag pa dito, bitbit ng grupo ang mga karatulang “Unity Against Political Violence!”,”Justice for the mother and her three month old child!”, “We want justice to all victims of killings” at marami pang iba.

Anila, wala pa ring humpay ang patayan sa lalawigan na tila hindi nabibigyan ng hustisya.

Panawagan ng mga ito ang kapayapan at katahimikan sa lugar.