Maaaring makaranas ng panibagong taas-presyo sa gasolina, diesel, at kerosene ang mga motorista sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy (DOE), dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.

Ayon kay Rino Abad, director ng Oil Management Bureau ng DOE, limitado lamang ang epekto ng sigalot sa pandaigdigang suplay ng langis. Wala umanong ulat na nasira ang mga oil production facilities sa Iran, dahil ang tanging tinamaan ng mga military attack ng Estados Unidos at Israel ay mga military at nuclear-related infrastructure.

Gayunpaman, may pangamba sa hanay ng mga shipping operators, na nagdudulot ng pagkaantala sa delivery ng langis. Dahil dito, inaasahang tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo simula bukas.

Ayon sa pagtataya ng DOE, maaaring tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ng $5 hanggang $10 kada barrel, na katumbas ng humigit-kumulang 30 sentimo kada litro sa bawat $1 na pagtaas. Kung magpapatuloy ang paggalaw ng presyo, posibleng maramdaman ng mga konsyumer ang kabuuang epekto sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo, na maaaring umabot sa P3 kada litro ang dagdag-presyo.