Sa Cotabato City—doble hanggang tripleng pagtaas sa presyo ng mga bulaklak ang iniulat sa mga flower shop sa Tantawan area habang papalapit ang Undas. Mula sa dating ₱150 kada bouquet, ngayon ay pumapalo na ito sa ₱300 at posibleng mas mataas pa depende sa klase ng bulaklak.
Ayon sa mga tindera, tumaas ang kuha nila sa mga supplier, dahilan kaya’t wala silang magawa kundi ipasa ang dagdag-presyo sa mga mamimili. Sa kabila nito, inaasahan na mananatili na ang presyo hanggang Nobyembre 1 at hindi na muling gagalaw pataas sa mismong araw ng Undas.
Sa panayam ng Star FM Cotabato kay Elizabeth Gumapac, may-ari ng Betchay Flowershop, kumpirmado ang pagtaas na aniya’y epekto ng mataas na demand at limitadong supply ngayong panahon ng paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay.
Gayunpaman, hindi pa rin nagpapapigil ang publiko at patuloy ang pagdagsa ng mga mamimili, patunay na bahagi na ng kultura at tradisyon ng mga Pilipino ang pag-aalay ng bulaklak bilang simbolo ng pag-alala at pagmamahal sa mga yumao.

















