Maaaring umabot sa ₱114 kada litro ang diesel ngayong linggo dahil sa malaking pagtaas ng presyo ng langis. Bagama’t nagkasundo ang ilang kumpanya ng langis na hati-hatiin ang dagdag-presyo sa loob ng ilang araw upang hindi agad maramdaman ng mga motorista.

Ayon kay Department of Energy (DOE) Undersecretary Sharon Garin, tatlong malalaking oil companies ang magpapatupad ng dagdag-presyo mula Marso 17 hanggang 19, habang dalawang kumpanya naman ay ipatutupad ito mula Marso 17 hanggang 18.

Pinag-aaralan rin ng pamahalaan ang posibilidad ng direct government-to-government transactions sa mga bansang tulad ng China at Russia para makabili ng krudo o finished petroleum products.

Tiniyak ng DOE na sapat pa ang suplay ng langis sa bansa hanggang katapusan ng Abril, ngunit maaaring mas mahal ang susunod na suplay sa buwan ng Mayo.

Mahalaga ang diesel sa transportasyon sa Pilipinas, lalo na sa pampublikong sasakyan, trucking, at cargo delivery. Kapag tumaas ang presyo nito, ramdam agad ang epekto sa pamasahe, presyo ng bilihin, at kabuuang ekonomiya ng bansa.