Isang pribadong eroplano ang bumagsak sa bahagi ng Barangay Malatimon, Ampatuan, Maguindanao del Sur ngayong hapon ng Huwebes, Pebrero 6, 2025.
Ayon sa ulat ng Ampatuan Municipal Police Station (MPS), dalawang dayuhan ang sakay ng bumagsak na eroplano. Sa inisyal na impormasyon, wala nang buhay ang mga sakay nang matagpuan ang sasakyang panghimpapawid matapos ang pagbagsak nito.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng aksidente. Iniulat din na may ilang residente sa lugar ang nakakita sa naturang eroplano bago ito bumagsak, subalit hindi pa matukoy kung nagkaroon ng aberya ang makina o kung ano ang tunay na dahilan ng insidente.
Nagsasagawa na rin ng retrieval operation ang mga awtoridad upang mabawi ang mga katawan ng mga biktima at makuha ang mahahalagang bahagi ng eroplano na makakatulong sa imbestigasyon.
Samantala, inabisuhan na ng mga otoridad ang publiko na iwasan ang pinangyarihan ng insidente upang hindi maapektuhan ang ginagawang operasyon ng mga emergency responders.