Nagbigay ng seguridad at operational support ang Police Regional Office 12 (PRO 12) sa Bureau of Customs (BOC) sa ginanap na ceremonial condemnation at pagkasira ng ilegal na sigarilyo noong Disyembre 15, 2025 sa General Santos City Sanitary Landfill, Barangay Sinawal, General Santos City.

Ayon sa ulat, ang mga sigarilyong nasamsam sa mga nakaraang operasyon ng PRO 12 ay ipinasa na sa BOC. Sa naturang aktibidad, kabuuang 1,075 master cases o kahon ng smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱42,000,000.00 ang sinira sa pamamagitan ng paglubog at paggiling upang matiyak na hindi na muling makakalusot sa merkado.

Dumalo sa seremonya sina PLTCOL Aldrin M. Gonzales, Deputy City Director for Operations ng General Santos City Police Office; Mr. Nonoy Pareja, Hepe ng General Santos City Sanitary Landfill; at Mr. Ira Leroy R. Sasota mula sa Commission on Audit, Koronadal City. Pinangunahan naman ang aktibidad ni Mr. Angelito L. Agulto, Customs Operations Officer IV ng BOC Sub-Port ng General Santos, kasama ang iba pang kawani ng BOC.

Iginiit ng PRO 12 ang kanilang matibay na suporta sa pakikipagtulungan sa BOC at iba pang ahensya upang mahigpit na ipatupad ang batas, protektahan ang kita ng gobyerno, at tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng publiko. Ayon sa kanila, pinapakita ng matagumpay na pagkondena ang kahalagahan ng “whole-of-government approach” sa paglaban sa smuggling at ilegal na kalakalan sa rehiyon.