Dalawang mataas na personalidad sa listahan ng Most Wanted Persons ng rehiyon ang nasakote sa magkasunod na operasyon ng Police Regional Office 9 (PRO 9) noong Nobyembre 24, 2025, sa pagpapaigting ng kampanya laban sa kriminalidad sa Zamboanga Peninsula.

Unang naaresto dakong ala-1:10 ng madaling-araw sa Purok Dos, Barangay Lagting, Siay, Zamboanga Sibugay, ang isang 44-anyos na lalaki na kabilang sa Top 3 Most Wanted Persons sa antas-lungsod. Isinagawa ang operasyon ng Dipolog City Police Station (CPS), katuwang ang Siay Municipal Police Station. Hinuli ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Statutory Rape na inilabas ng Family Court, 9th Judicial Region, Branch 3, Dipolog City noong Oktubre 6, 2023. Kasalukuyan itong nasa kustodiya ng Dipolog CPS para sa wastong disposisyon.

Kasunod nito, natimbog naman bandang 11:40 ng umaga sa Barangay Lawigan, Labason, Zamboanga del Norte ang isang 20-anyos na lalaki na nakalista bilang Top 1 Most Wanted Person sa municipal level sa ilalim ng E-Warrant System. Sa isinagawang intelligence-driven operation ng Labason MPS, katuwang ang 2nd Zamboanga del Norte Provincial Mobile Force Company at 901st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 9, nahuli ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Murder, na inilabas ng Regional Trial Court, 9th Judicial Region, Branch 28, Liloy, Zamboanga del Norte noong Abril 24, 2025. Siya ay naka-custody na ngayon ng Labason MPS.

Pinuri ni Police Brigadier General Edwin A. Quilates, Regional Director ng PRO 9, ang matagumpay at koordinadong operasyon ng mga yunit, na aniya’y malinaw na patunay ng matatag na paninindigan ng PRO 9 sa pagsupil sa kriminalidad at paghuli sa mga nagtatago sa batas.

Dagdag pa ni PBGen. Quilates, patuloy ang PRO 9 sa pagpapatupad ng intelligence-driven at highly-coordinated operations alinsunod sa direktiba ng Acting Chief, PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., upang matiyak ang seguridad at kapayapaan sa buong Zamboanga Peninsula at Sulu.