Dumalaw sa himpilan ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army sa Camp Siongco, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte si Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), noong Hulyo 14, 2025.
Pagdating sa kampo, sinalubong si Gen. De Guzman ng mainit na pagtanggap at military honors mula kay Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, kasama ang mga opisyal, kawani, at civilian human resource ng nasabing yunit.
Si Brig. Gen. De Guzman ay miyembro ng Philippine National Police Academy “PATNUBAY” Class of 1995 at nagsimula ng kanyang karera sa hanay ng elite Special Action Force (SAF). Sa taglay na karanasan sa operasyon at dedikasyon sa serbisyo publiko, siya ay ginawaran ng iba’t ibang pagkilala gaya ng Medalya ng Pambihirang Paglilingkod, Medalya ng Kagalingan, at iba pang parangal sa integridad, pamumuno, at kahusayan sa operasyon.
Ang kanyang pagbisita ay nagpapakita ng matibay na ugnayan at pagtutulungan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon ng Bangsamoro.