Iniulat ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang kanilang lingguhang operational accomplishment mula Setyembre 12 hanggang 18, 2025.
Sa naturang ulat, labing-isa (11) sa mga Most Wanted Persons ang naaresto sa iba’t ibang operasyon. Dalawang motorsiklo rin ang nabawi kaugnay ng kampanya laban sa carnapping.
Samantala, nakapagtala ng halagang ₱200,000 na nakumpiska sa kampanya kontra smuggling at ₱13,550 naman sa operasyon laban sa illegal logging. Pinakamalaki sa mga accomplishment ang pagkakakumpiska ng iligal na droga na nagkakahalaga ng ₱4,031,890.
Kaugnay ng kampanya laban sa loose firearms, 29 na baril ang isinuko o nakumpiska, habang apat (4) katao ang nahuli sa mga police response at checkpoints.
Ayon kay PBGen. Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO-BAR, patuloy ang kanilang pinaigting na operasyon upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at katuparan ng kampanya ng pamahalaan sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas.
Sa pahayag ng PRO-BAR, kanilang tiniyak na hindi titigil ang kapulisan sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa Cotabato, Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan at Tawi-Tawi.