Humingi ng taus-pusong paumanhin ang Police Regional Office- Bangsamoro Autonomous Region o PRO-BAR matapos na maalarma ang mga kasapi ng PRO-BAR Presscorps kaugnay sa isinagawang pagbisita ng ilang mga kasapi ng pulisya sa mga tahanan ng ilan sa mga kasapi ng presscorps

Batid aniya ng PRO BAR ang saloobin at pagkaalarma ng mga miyembro ng PRO BAR Presscorps sa pangyayari

Ikinalungkot din aniya ng kapulisan ang naramdaman na pagkabalisa, pagkatuliro maging ang abala na idinulot ng mga naging pagkilos ng kanilang mga kasapi

Lubos naman din aniya na kinikilala ang mahalagang papel ng pamamahayag na itinuturing bilang ikaapat na estado ng ating demokratikong lipunan

Sinabi din ng PRO-BAR na wala silang intensyon na maghasik ng pananakot, iprofile o maglagay ng malisya o hinala sa mga mamamahayag na nagcocover sa nasabing beat

Agad naman na naglabas ng kautusan para sa lahat ng units ang hepe ng PRO-BAR na si PBGen. Jaysen De Guzman na agad ipatigil ang nasabing aktibidad dahil hindi rin aniya pinahihintulutan ng kanilang hanay ang mga hakbang na naglalayong targetin o harasin ang mga miyembro ng media

Kung maaalala, una nang umalma ang mga kasapi ng PRO-BAR Presscorps sa ginagawang background checking sa kanilang mga tahanan na nagdulot ng pagaalala, pangamba at takot sa kanilang mga kaanak at mga mahal sa buhay.