Umabot sa tinatayang Php 927,648 ang halaga ng mga ilegal na droga, loose firearms, at iba pang ari-arian na nasamsam ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) mula Pebrero 6 hanggang 12, 2026, sa ilalim ng koordinadong operasyon laban sa smuggling, carnapping, at ilegal na droga sa rehiyon.
Ayon sa ulat ng PRO BAR, nakarekober ang mga awtoridad ng 29 assorted loose firearms, habang 7 katao ang inaresto dahil sa paglabag sa batas ukol sa droga. Bukod dito, mayroong 1 motorsiklo na narekober sa kampanya laban sa carnapping at umabot sa Php 124,827.60 ang halaga ng nasamsam na ilegal na droga.
Isinagawa ang operasyon sa iba’t ibang probinsya ng Bangsamoro, kabilang ang Cotabato, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Basilan, at Tawi-Tawi, sa ilalim ng koordinasyon ng RMFB-14 at iba pang yunit ng kapulisan sa rehiyon.
Ayon kay PBGen Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang patuloy na operasyon ay nakatuon sa pagpapanatili ng seguridad at kaligtasan ng publiko, at sa pagpigil sa paglaganap ng krimen at ilegal na droga sa rehiyon.
Ang mga nasamsam na ari-arian at droga ay pinaproseso na ayon sa batas at ihahain sa kaukulang ahensya para sa karampatang aksyon.

















