Naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 11 ang isang Provincial Target-Listed Drug Personality sa isang matagumpay na anti-drug operation sa Purok 3, Barangay Poblacion, Laak, Davao de Oro, noong Nobyembre 7, 2025, bandang alas-4 ng hapon.

Ang operasyon ay isinagawa ng Davao de Oro Provincial Office ng PDEA, sa koordinasyon ng Davao de Oro Police Provincial Office at Laak Municipal Police Station. Nadakip sa operasyon si alyas “Alberto,” 46 taong gulang, may asawa, at kabilang sa listahan ng mga Provincial Drug Targets.

Nahuli si alyas “Alberto” matapos makipagtransaksiyon sa isang undercover agent ng PDEA na nagkunwaring poseur buyer, kung saan ibinenta niya ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na limang (5) gramo at halagang ₱47,000.

Nasamsam din mula sa suspek ang lima pang plastic sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 25 gramo at tinatayang halagang ₱235,000, pati na rin ang marked money na ginamit sa operasyon.

Nahaharap ngayon si alyas “Alberto” sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.