Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko hinggil sa pagdami ng mga pekeng social media accounts na nag-aangkin na konektado sa kanilang Anti-Cybercrime Group (ACG).
Kabilang sa mga natukoy na peke ang mga account na gumagamit ng pangalang Safeweb, Rightful Return PH, at Operation Truth Files. Nilinaw ng PNP na wala itong kaugnayan sa kanilang tanggapan at huwag basta maniwala sa mga ipinapakalat na impormasyon ng mga naturang pahina.
Ayon kay PNP Acting Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi kailanman humihingi ng bayad ang PNP-ACG para sa mga serbisyong kanilang ibinibigay.
Nanawagan din ang opisyal sa publiko na agad na ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang sinumang gumagamit ng pangalan ng PNP para sa panlilinlang at ilegal na gawain.