Anim ang patay sa engkwentro sa pagitan ng mga operatiba ng pulisya at mga armadong grupo ng kalalakihan sa Purok 7, Barangay New Panay sa bayan ng Aleosan ngayong araw ng Miyerkules, July 10.

Kinumpirma ito sa mga mamamahayag ni Aleosan MPS Chief PMaj. Jennefer Amotan.

Sa ulat ng kapulisan, maghahain sana ng search warrant ang mga kapulisan sa target nito na nagngangalang Macabuat Salik na may alyas na Kwat at Iskoh sa kasong paglabag sa RA 10591 at 9165 na may kinalaman sa iligal na pagkakaroon ng armas at sa iligal na droga.

Patungo pa lamang ang mga personahe ng paputukan sila ng mga armado na nagresulta sa engkwentro na tumagal ng kalahating oras ang putukan. Matapos ang engkwentro, dito na napagalamang kasama sa nasawi ang personahe na pakay ng search warrant na si Macabuat Salik kasama ang limang kasamahan nito. Isa naman sa mga SAF troopers ang nasawi sa engkwentro na kinilalang si PCpl. Jed Michael Gregorio.

Sugatan din naman ang mga kasamahan nito na sina PCapt Marc Bryant Tamid-ay, PCapt Kirk John Kollin, PSMS Alcher Dacula, PCpl Mark Joseph Galanta, Pcpl Emonrick Gadat at Pat. John Steven Luyun. Nasamsam sa operasyon ang isang pakete ng suspetsadong shabu habang nagpapatuloy naman ang imbestigasyon sa madugong engkwentro ng dalawang grupo.