Kalaboso ngayon ang isang pulis matapos pagbabarilin hanggang sa mapatay ang kanyang kinakasama sa loob ng kanilang bahay sa Purok 11, Bonifacio Bataan Street, Barangay Zone 3, Digos City.
Kinilala ang suspek na si Patrolman Dinoy, 30 anyos, nakatalaga sa Hagonoy Municipal Police Station. Ayon sa imbestigasyon, umuwi umano ito ng kanilang tahanan kasama ang anak na babae habang lasing sa alak.
Dito ay nakasagutan niya ang kinakasama na si Mealjoy Basilgo Lapeña, 30 anyos, isang virtual assistant. Sa kainitan ng pagtatalo, bumunot ng baril ang suspek at paulit-ulit na pinaputukan si Lapeña na agad na nasawi.
Nadamay rin sa insidente ang ina ng biktima na tinamaan ng bala at agad na isinugod sa ospital.
Sinubukan pang tumakas ng suspek ngunit naaresto rin at agad na ikinulong. Narekober ng mga pulis ang sampung basyo ng bala na kasalukuyang isinailalim sa ballistic examination.
Kasong homicide ang isasampa laban kay Patrolman Dinoy.