Patuloy pa rin sa pag-alam ng motibo ng suspetsado sa pamamaril ng isang police corporal kagabi sa lungsod ng Cotabato partikular sa kahabaan ng Sinsuat Avenue sa barangay Poblacion (6) Sais.

Ito ang sinabi sa naging panayam kay CCPO Spokesperson Lt. Col. Carmelo Mungkas.

Kinilala ni Mungkas ang biktima na si Police Corporal Mohammed Ersad Ampatuan na kasapi ng PNP- Traffic Enforcement Unit at taga lungsod ng Cotabato.

Sa inisiyal na ulat ng kapulisan, ipinarada ng suspek ang motor nito malapit sa pwesto ng dating BSP o Bangko Sentral ng Pilipinas – Cotabato at naglakad ito papunta sa likuran ng biktimang nakamotor.

Matapos ang pamamaril, agad na sumakay ang suspek ngunit nagantihan ito ng biktima at nabaril na makikita sa CCTV footage at agad na tumakas.

Samantala, narecover sa kalapit na barangay ng Poblacion (5) Singko ang getaway motorcycle na inagaw ng suspek para makatakas.

Puno ng dugo ang nasabing motor at walang nagawa ang may-ari nito kundi ipatangay ang motor dahil sa banta ng suspek.

Iniwanan din ng suspek ang motorsiklo para tumakas sa pulis na nagsasagawa ng pagtugis dito.